i.
Lahat ng bagay parang pag-ibig
Tulad ng kapeng pampagana
sa iyong umaga, pagkatapos
ng malamig na gabi.
Mainit sa palad
ang tasang naglalaman--
brewed coffee, sugar at cream.
Tamang-tama ang lasa
pagkat sakto ang pagtimpla.
Sige na't inumin mo na,
Baka lumamig pa.
ii.
Lahat ng bagay parang pag-ibig.
Parang iyang chopsticks
hawak mo sa iyong kamay.
Magkasama dapat sa paggamit
tadhana nama'y kay pait.
Paano mo nga ba iyan gamitin?
Magkadikit na'y
iyo pang pinaghiwalay.
iii.
Lahat ng bagay parang pag-ibig.
Tulad ng pagsali sa lotto
Lahat naghahangad ng panalo
Milyon milyong Filipino
Pipila sa mga tindahan,
Sa drugstore, sa kanto
Tumataya, sumusugal
Itataya mo pa kaya
Sampu o bente mo
Kung minsan isa lang talaga ang panalo?
iv.
Lahat ng bagay parang pag-ibig.
Tulad ng mga sugat at peklat
Sa iyong batang katawan.
Na mula sa pagkakadapa
Ilang sebo de macho man
Ang ubusin
Mga marka’y Nariyan
at nariyan pa rin.
No comments:
Post a Comment